MANILA, Philippines — Handa ang Capital1 Solar Energy na makipagsabayan sa 2024 Premier Volleyball League (PVL) Reinforced Conference na pormal nang magsisimula sa buwan na ito.
Ito ay matapos kunin ng Capital1 Solar Energy ang serbisyo ng Russian outside hitter at apat pang beteranong local players.
Tatayong import ng Capital1 Solar Energy si Russian Marina Tushova na malalim ang karanasan sa professional leagues.
Mainit itong tinanggap nina Capital1 Solar Energy team owners Mandy Romero at Milka Romero kung saan optimistiko ang dalawa na malaki ang maitutulong ni Tushova sa kampanya ng kanilang tropa.
“We hope to bring more excitement to the fans that’s why we took her and the four other local players,” ani Mandy Romero.
Pasok na rin sina Ayumi Furukawa, Iris Tolenada, Julia Ipac at Maria Shola Alvarez para tulungan ang Capital1 Solar Energy sa ratsada nito sa Reinforced Conference.
Excited na rin ang Capital1 Solar Energy sa kauna-unahang 2024 PVL Draft na gaganapin sa Hulyo 8 sa kung saan ang kanilang koponan ang pipili ng No. 2 pick.
Target ng Capital1 Solar Energy na makakuha ng mahusay na attacker para mas lalo pang lumalim ang lineup nito.
“Whoever coach Roger Gorayeb and team will pick, we are certain she must be good,” ani Milka Romero ang panganay na anak ni Rep. Mikee Romero (1Pacman) na dating godfather ng PH amateur basketball.
Nasilayan sa aksyon si Tushova para sa Sparta Nizhny Novgorod sa Russia.
Halos isang buwan na si Tushova sa Pilipinas upang makabuo ng chemistry sa kanyang bagong team.