MANILA, Philippines — Ang official announcement ng International Judo Federation (IJF) ang hinihintay ng Philippine Judo Federation (PJF) para sa tiket ni judoka Kiyomi Watanabe sa 2024 Paris Olympic Games.
Ayon kay PJF secretary-general Dave Carter, tiyak na mapapasama si Watanabe sa naunang 15 Pinoy athletes na sasalang sa Paris Olympics sa susunod na buwan.
Ito ay dahil sa inaasahang pagbibigay sa Fil-Japanese judoka ng isa sa dalawang continental quotas na inilaan para sa Asia.
“Kiyomi is good as in but the official announcement will come from the IFJ,” wika ni Carter sa four-time Southeast Asian Games gold winner.
Nakapuwesto si Watanabe sa No. 92 sa women’s -63-kilogram Olympic qualifying ratings kung saan ang top 17 lamang ang makakakuha ng Paris berth.
Kung sakali ay ito ang magiging ikalawang sunod na pagkakataon na sasabak si Watanabe sa Olympics matapos sa Tokyo, Japan.
Nakatakdang magtungo ang national judoka sa French capital sa Hulyo 22 limang araw bago isagawa ang judo event na magtatapos sa Agosto 3.
Dumating na sa France kahapon sina Tokyo Olympics silver medalists boxers Nesthy Petecio at Carlo Paalam, Hergie Bacyadan, Aira Villegas ng boxing, weightlifters Elreen Ando, John Ceniza at Vanessa Sarno at rower Joanie Delgaco para sa training camp sa Metz.