Mexican pug taob kay Magsayo

Mark Magsayo.
Instagram

MANILA, Philippines — Nagbalik ang tikas ng kamao ni dating world champion Mark Magsayo matapos itarak ang unanimous decision win laban kay Mexican Eduardo Ramirez sa kanilang World Boxing Association (WBA) super featherweight bout kahapon sa MGM Grand sa Las Vegas, Nevada.

Ito ang ikalawang pagkakataon na sumalang si Magsayo sa super fea­therweight division.

Subalit walang bakas ng panghihina matapos ilabas ang kanyang pamatay na kumbinasyon sa buong panahon ng laban para makuha ang boto ng tatlong hurado.

Nagtala ang mga hurado ng 97-92, 97-92 at 99-90 pabor sa Pinoy champion.

“It was a great fight. Eduardo is a good, great fighter. I know him. It’s a great fight tonight. Thank you to all the fans,” wika ni Magsayo.

Nagpasalamat ang da­ting World Boxing Council (WBC) featherweight titlist sa oportunidad na ibinigay sa kanya ng WBA para muling ipamalas ang kanyang husay..

“WBA thank you so much for the opportunity. I’ll give my best to become a world champion again for this belt,” ani Magsayo.

Gumanda ang rekord ni Magsayo sa 26-2 tampok ang 17 knockouts habang bumagsak si Ramirez sa 28-4-3 (13 knockouts).

Nakuha ni Magsayo ang WBA Inter-Continental 130-pound belt na isang minor title lamang sa super featherweight division.

Subalit magandang umpisa ito upang makalapit sa inaasam na major title fight kung saan posible nitong makaharap si defending champion Lamont Roach.

“Nagpapasalamat din ako sa mga kababayan natin na patuloy na sumusuporta sa bawat laban ko. Ang panalong ito ay para sa lahat ng mga Pilipino,” ani Magsayo.

Show comments