MANILA, Philippines — Pumalo si Marck Espejo ng game-high 20 points mula sa 17 attacks, dalawang aces at isang block para sa 25-23, 23-25, 25-14, 25-22 pagdaig ng Alas Pilipinas sa Indonesia sa classification phase ng 2023 Asian Volleyball Confederation (AVC) Challenge Cup for Men kamakalawa ng gabi sa Isa Town, Bahrain.
Nagdagdag sina Jade Disquitado at Kim Malabunga ng tig-12 markers para sa mga Pinoy spikers na hangad mapaganda ang 10th place finish noong 2023 Challenge Cup.
Haharapin ng tropa para sa ninth place ang sinuman sa Thailand (Pool B) at Chinese Taipei (Pool D).
Ang depensa ang naging susi ng tropa ni Brazilian coach Sergio Veloso laban sa mga Indonesians sa 2023 SEA V.League winner at reigning three-peat SEA Games gold medalists.
Nagtala si Malabunga ng anim sa kabuuang 15 blocks ng Alas Pilipinas habang may tatlo si Disquitado at dalawa si Owa Retamar.
Ito ang unang panalo ng mga Pinoy spikers sa torneo matapos ang 0-2 record sa Pool A mula sa 19-25, 22-25, 22-25 talo sa China at 18-25, 23-25, 20-25 kabiguan sa Bahrain sa group play.