MANILA, Philippines — Bagama’t bigong makapasok sa gold medal round ay isa nang malaking karangalan para sa Alas Pilipinas ang makuha ang bronze sa 2024 Asian Volleyball Confederation (AVC) Challenge Cup for Women.
Sa unang pagkakataon matapos ang 63 taon ay naka-podium finish ang koponan ng Pilipinas sa AVC tournament.
“Sobrang biggest achievement ito for all of us,” wika ni team captain Jia De Guzman na naging sandigan ng mga Pinay spikers sa torneong muling pinagreynahan ng Vietnam.
“We came in this tournament not expecting anything and now we’re bringing home a bronze medal so sobrang proud ko sa bawat member ng team talaga and it wouldn’t be possible kung may isang kulang sa amin,” dagdag nito.
Halos dalawang linggo lamang nabuo ang Alas Pilipinas na ginabayan ni Brazilian coach Jorge Souza De Brito.
Sa kabila nito ay magkakasunod na tinalo ng mga Pinay hitters ang Australia, India, Iran at Chinese Taipei para walisin ang Pool A papasok sa crossover semifinals.
Sa semis ay yumukod ang World No. 55 Pilipinas sa World No. 30 Kazakhstan, 23-25, 21-25, 14-25.
Nauna nang nagdalawang-isip si Sisi Rondina na maging miyembro ng national team matapos ang kanyang kampanya para sa Choco Mucho sa 2024 PVL All-Filipino Conference.
“I already declined na ma-lineup ako dito sa national team kasi mas pipiliin kong magpahinga pero ayun, iba talaga iyong feeling na dadalhin mo iyong country,” sabi ng 5-foot-6 na si Rondina.
Sa pagtatapos ng torneo ay hinirang si De Guzman bilang Best Setter habang kinilala si collegiate star Angel Canino bilang Best Opposite Spiker.
Bukod kina De Guzman, Canino at Rondina, ang iba pang miyembro ng Alas Pilipinas ay sina Eya Laure, Vanie Gandler, Cherry Nunag, Dawn Catindig, Dell Palomata, Faith Nisperos, Fifi Sharma, Jen Nierva, Thea Gagate, Julia Coronel at Ara Panique.