MANILA, Philippines — Dahil sa kabiguang mawalis ang elimination round bunga ng paglakas ng ibang koponan ay minsan nang naisip ng Creamline team na sumuko.
Inamin ito mismo ni Jema Galanza.
“Talagang umabot kami sa point na parang hindi na kami aabot ng semis, parang hindi na kami aabot ng Finals,” litanya ni Galanza.
“Pero sa lahat ng mga pagsubok at napagdaanan namin, nakita ko sa mga teammates ko na wala talagang sumuko. Walang nagkukuwestiyon sa amin,” dagdag ng outside hitter.
Ang resula nito ay ang 2-0 sweep ng Cool Smashers sa utol na Choco Mucho Flying Titans sa kanilang best-of-three championship series para pagreynahan ang 2024 PVL All-Filipino Conference.
Hinirang ang 26-anyos na si Galanza bilang Finals Most Valuable Player.
Sa 24-26, 25-20, 25-21, 25-16 panalo ng Creamline sa Choco Mucho sa Game One ay humataw ang dating kamador ng Adamson Lady Falcons sa UAAP ng 20 points.
Umiskor din ng 20 markers si Galanza sa 20-25, 25-20, 22-25, 25-22, 15-11 paggupo ng Cool Smashers sa Flying Titans sa Game Two para kumpletuhin ang finals sweep.
Ayon kay Galanza, mas malawak na ngayon ang eksperyensa ng Creamline.