Ancajas target ang KO win kay Inoue
MANILA, Philippines — Sa oras na may makitang pagkakataon para mapabagsak si Japanese bantamweight king Takuma Inoue ay kaagad itong kukunin ni Filipino challenger Jerwin Ancajas.
Ayon kay Ancajas, hindi niya maaaring ibigay sa mga hurado ang desisyon ng kanilang title fight ni Inoue na nakatakda bukas ng gabi sa Ryogoku Kokugikan National Sumo Arena sa Tokyo, Japan.
“Kung may opening talaga na magandang patama, i-grab namin na iyong opportunity kahit na ano mang round iyon,” sabi ng 31-anyos na si Ancajas sa 28-anyos na si Inoue.
“Siyempre hometown nila kaya kailangan natin ng impresibong panalo,” dagdag pa ng dating long-time International Boxing Federation (IBF) super flyweight titlist.
Pipilitin ni Ancajas (34-3-2, 23 knockouts) na maagaw kay Inoue (18-1-0, 4 KOs) ang suot nitong World Boxing Association (WBA) bantamweight belt.
“He is the best fighter I’ll ever face, so I want to be focused,” wika ni Inoue sa pamamagitan ng isang interpreter.
Huling lumaban si Ancajas noong Hunyo 6 kung saan siya nanalo via fifth-round technical knockout kay Colombian journeyman Wilner Soto.
Noong Nobyembre 15 ang orihinal na suntukan nina Ancajas at Inoue kundi lamang nagkaroon ng rib injury ang kapatid ni unified super bantamweight titlist Naoya Inoue sa training.
- Latest