Petecio sa semis; Paalam minalas

MANILA, Philippines — Swak sa semifinal round si Tokyo Olympics silver me­dal winner Nesthy Petecio matapos ang 4-1 dominasyon kay Sthelyn Grosy ng France sa women’s 57-kilogram division ng bigating Boxam Elite Tournament sa La Nucia sa Alicante, Spain kahapon.

Ang pagpasok ni Petecio sa semifinals ang tumiyak sa kanyang pagbulsa sa bronze medal.

Sasagupain ng 31-anyos na Pinay fighter sa semis si Ana Marija Milisic ng Switzerland na binugbog si Hunga­rian Rebeka Dobos, 5-0.

Bukod kay Petecio ang iba pang nakatiyak na ng tan­so at sasalang din sa semis ay sina 2016 Rio Olympian Ro­gen Ladon (men’s 51kg), Aira Villegas (women’s 50kg) at Hergie Bacyadan (women’s 75kg).

Samantala bigo naman si Tokyo Olympics silver me­dalist Carlo Paalam kay Cuban Ewart Andres Marin Hernandez, 2-3, sa men’s 57kg class.

Sina Petecio at Paalam ang dalawa sa mga sinasabing may tsansang makasuntok ng tiket para sa 2024 Olympic Games sa Paris, France sa Hulyo.

Si Tokyo Olympics bronze medalist Eumir Felix Marcial ang unang nakasikwat ng Paris Games berth ma­tapos ang silver medal finish sa nakaraang 19th Asian Games sa Hangzhou, China.

Show comments