Lakers bagsak sa Clippers

Pinanood na lang ni Lakers center Anthony Davis ang dakdak ni Paul George ng Clippers,
STAR / File

LOS ANGELES — Nagkadena si Kawhi Leonard ng triple double na 25 points, 11 rebounds at 10 assists habang tumipa si James Harden ng 23 points at 10 assists para sa 127-116 pagdaig ng Clippers sa Lakers.

Ito ang ikatlong sunod na panalo ng Clippers (28-14) at ika-11 sa huli nilang 13 laro at nakahugot kina Paul George at Norman Powell ng tig-17 markers.

Pinamunuan ni D’Angelo Russell ang Lakers (22-23) sa kanyang 27 points at 10 assists at nagposte si Anthony Davis ng 26 points at 12 rebounds.

Hindi naglaro si LeBron James dahil sa left ankle pain.

Ang basket ni Powell at dalawang free throws ni Leonard na bahagi ng isang 9-0 atake ang naglayo sa Clippers sa 119-108.

Sa Oklahoma City, humataw si Shai Gilgeous-Ale­xander ng 33 points at may 19 markers si Jalen Williams kasama ang game-winner sa huling dalawang segundo sa 111-109 pagtakas ng Thunder (30-13) sa Portland Trail Blazers (12-31).

Sa Indianapolis, humakot si Nikola Jokic ng 31 points, 13 rebounds at 10 assists para sa kanyang ika-13 triple-double sa season sa 114-109 panalo ng nagdedepensang Denver Nuggets (31-14) sa Indiana Pacers (24-20).

Sa New Orleans, umiskor si CJ McCollum ng season high 33 points para sa 152-124 paggupo ng Pelicans (26-18) sa Utah Jazz (22-23).

Show comments