MANILA, Philippines — Anim na hagdan ang inakyat ng Philippine national women’s football team para mapaganda ang estado sa pinakahuling FIFA Women’s Rankings.
Tumaas sa No. 38 ang Filipinas mula sa pagiging No. 44 sa pagtatapos ng kanilang kampanya para sa taong 2023.
Ang isa sa mga pinagbasehan nito ay ang dalawang panalo ng mga Pinay booters sa tatlong laban sa second round ng Asian Football Confederation (AFC) Olympic Qualifying Tournament, noong Oktubre.
Bagama’t umalis si Australian coach Alen Stajcic sa pagtatapos ng kanilang kampanya sa World Cup ay ipinagpatuloy pa rin ng koponan ang kanilang pamatay sa porma sa ilaiim ni mentor Mark Torcaso.
Nanatili ang Filipinas sa pang-pitong puwesto sa AFC at ikatlo sa Asean Football Federation o sa Southeast Asia.
Ngunit humulagpos sa kanilang mga kamay ang tsansang makasipa ng tiket para sa 2024 Paris Olympics matapos kunin ng Uzbekistan ang best second placer spot sa AFC Olympic qualifying.
Nauna nang ginulat ng Filipinas ang Chinese Taipei, 4-1, sa pagsisimula ng kanilang laban sa second round sa Group A bago yumukod sa Australia, 0-8 habang tinakasan nila ang Iran, 1-0, sa huling laro.
Nagtapos ang mga Pinay sa second place sa Group A sa kanilang 2-1 record, ngunit naagaw ng Uzbekistan ang huling silya sa third at final round dahil sa superior goal difference na +2 kumpara sa -4 ng Filipinas.