Cavs sinapawan ang Warriors

Donovan Mitchell.
Michael Reaves / Getty Images North America / Getty Images via AFP

SAN FRANCISCO, Philippines — Nagtala si Donovan Mitchell ng 21 points, 7 rebounds, 5 assists at 2 steals para banderahan ang Cleveland Cavaliers sa 118-110 pagsisiw sa Golden State Warriors.

Umiskor si Caris LeVert ng 22 points habang tumipa si Darius Garland ng 19 points, 6 rebounds, 4 assists at 5 steals at humakot si Evan Mobley ng 19 points para sa Cavaliers (4-5).

Humataw si Stephen Curry ng 30 points sa panig ng Warriors (6-4), samantalang nasibak si Draymond Green sa 6:23 minuto ng third quarter dahil sa ikalawang technical foul.

Ang 3-pointer ni Green sa 7:01 minuto ng second period ang naglapit sa Golden State sa 40-38 bago nakawala ang Cleveland sa paghawak sa 68-52 abante sa halftime.

Sa Orlando, nagsubi si Paolo Banchero ng 26 points at 12 rebounds at umiskor sina Franz at Mo Wagner ng pinagsamang 43 points sa 112-97 paggiba ng Magic (5-4) sa Milwaukee Bucks (5-4).

Sa Boston, kumamada si Jaylen Brown ng 29 points habang may 27 markers si Jayson Tatum sa 117-94 pagdakma ng Celtics (7-2) sa Toronto Raptors (4-5).

Sa Atlanta, nagposte si Bam Adebayo ng 26 points at 17 rebounds at nag-ambag si rookie Jaime Jaquez Jr. ng career-high 20 points sa 117-109 pagsunog ng Miami Heat (5-4) sa Hawks (4-5).

Show comments