MANILA, Philippines — Bumuhos ang pakikiramay matapos pumanaw si dating Asia’s sprint queen Lydia de Vega noong Miyerkules ng gabi.
Inanunsiyo ni volleyball star Stephanie Mercado-de Koenigswarter ang pagpanaw ng kanyang ina sa Makati Medical Center matapos ang ilang taong pakikipaglaban sa breast cancer.
“On behalf of our family, it is with absolute grief that I announce the death of my mother, Lydia De Vega this evening, August 10, 2022, at the Makati Medical Center,” ani Mercado-de Koenigswarter sa kanyang social media account.
Humihiling si Mercado-de Koenigswarter ng panalangin mula sa lahat ng sumuporta at tagahanga ng dating Asian champion.
“She fought the very good fight and is now at peace. Wake details will be announced very soon but for now, I would wholeheartedly appreciate your prayers for the soul of my mother,” ani Mercado-de Koenigswarter.
Pumanaw si de Vega sa edad na 57.
Maningning ang buhay atleta nito noong dekada 80 at 90.
Apat na beses itong nagkampeon sa Asian Athletics Championships at dalawang beses na nakasungkit ng gintong medalya sa Asian Games.
May siyam na gintong medalya rin ito sa Southeast Asian Games — ang pinakahuli noong 1993 Singapore Games kung saan nagreyna ito sa 100m dash at 200m dash.
Nadiskubre ang cancer ni de Vega noon pang 2018 ngunit kailan lamang ito isiniwalat ng kanyang anak na si Mercado-de Koenigswarter.
Hindi ipinahalata ni de Vega sa mga tao ang kanyang iniinda.
Sa katunayan, naging bahagi pa ito ng 2019 Southeast Asian Games opening ceremonies na ginanap sa Philippine Arena sa Bocaue, Bulacan.
Kasama si de Vega ng mga Pinoy world-class athletes na nagbitbit ng bandila ng SEA Games Federation.
Kabi-kabila ang pakikiramay mula sa mga sports officials, sports personalities, politicians at showbiz people gayundin sa mga baguhang atleta na naging inspirasyon ang Pinoy legend.