Ronda Pilipinas dominado ng Navy riders
BAGUIO CITY, Philippines — Natupad ang matagal ng pangarap ni Navy Standard Insurance Ronald Lomotos matapos hiranging kampeon sa katatapos na 11th Edition ng Ronda Pilipinas 2022 kahapon.
Nakapagtala ang 27- anyos na si Lomotos ng kabuang 35 oras, 31 minuto at 38 segundo sa 10-Stage event na nagsimula sa Sorsogon City at nagtapos dito, sapat upang maging bagong kampeon.
Nahawakan ng San Felipe, Zambales native na si Lomotos ang overall lead nang manalo sa mahirap na 174.4-kilometer Echague-Baguio stage 9, noong Sabado ng hapon.
May 21 segundo ang lamang ni Lomotos kay dating Ronda champion Ronald Oranza pagkatapos ng stage 9 kaya naman inalagaan nito ang kanyang bentahe sa one-hour plus three laps criterium Stage 10 na pinagwagian ni Ryan Tugawin ng Excellent Noodles.
“Thank you po, masayang-masaya po ako. Matagal ko pong hinintay na maging champion,” sabi ni Lomotos na inialay ang tagumpay niya sa kanyang pamilya.
Dinomina ng Navy Standard Insurance ang nasabing presitihiyosong cycling event sa Pilipinas, matapos nilang angkinin ang individual general classification mula first hanggang fourth place.
Nasilo ni Oranza ang 1st runner-up, habang sina Navy riders El Joshua Carino at Jeremy Lizardo ang third at fourth placers, ayon sa pagkakasunod.
Naibulsa ni Lomotos ang tumataginting na P1M premyo sa naturang event na suportado ng LBC Express, Inc., MVP Sports Foundation, Smart, Twin Cycle Gear, Standard Insurance, Print2Go, Elves Bicycles, Elitewheels, Orome at Maynilad.
Kampeon din ang Navy Standard Insurance sa team classification.