MANILA, Philippines — Magarbong tinapos ng Nakhon Ratchasima ang eliminasyon matapos ilampaso ang Khonkaen Star, 25-23, 25-17, 25-18, sa 2021-22 Thailand Volleyball League kahapon sa Nimibutr Stadium sa Bangkok, Thailand.
Muling umariba sina national mainstays Dindin Santiago-Manabat at Mylene Paat upang pamunuan ang Nakhon Ratchasima sa panalo.
Nagpakawala sina Santiago-Manabat at Paat ng kaliwa’t kanang atake sa buong panahon ng laro para basagin ang depensa ng Khonkaen Star.
Dahil sa panalo, nakuha ng Nakhon Ratchasima ang No. 3 seed sa crossover semifinals.
Makakaharap ng Nakhon Ratchasima ang No. 2 seed sa Final Four habang magtutuos naman ang No. 1 at No. 4 sa hiwalay na semis match.
Matapos ang kampanya sa Thailand, babalik agad sa Pilipinas sina Santiago-Manabat at Paat para naman samahan ang Chery Tiggo sa pagdepensa nito ng Open Conference crown sa Premier Volleyball League.