Dindin nag-init na sa Thailand

MANILA, Philippines — Nagsanib-puwersa sina Dindin Santiago-Manabat at Mylene Paat upang tulungan ang Nakhon Ratchasima na makasiguro ng tiket sa playoffs ng Thailand Volleyball League.

Naisakatuparan ito ng Nakhon Ratchasima matapos igupo ang Pro Flex RSU sa bendisyon ng 25-16, 25-23, 25-16 demolisyon sa Nimibutr Stadium sa Bangkok.

Matapos matalo sa kanilang huling laro kontra sa Diamond Food, mainit na rumesbak sina Santiago-Manabat at Paat para buhatin ang Nakhon Ratchasima sa ikaanim na panalo sa 11 laro.

Umangat sa ikatlong puwesto ang Nakhon Ratchasima kasalo ang Khonkaen Star na may parehong 6-5 baraha.

Tila natagpuan na ni Santiago-Manabat ang matikas na porma nito nang magpasabog ng 19 puntos tampok ang 16 attacks at tatlong blocks.

Nagsumite naman si Paat ng apat na puntos at ipinagpahinga na sa ikatlong kanto para sa mas importanteng laban nito sa susunod na laro ng Nakhon Ratchasima.

Sunod na makakasagupa ng Nakhon Ratchasima ang Supreme Chonburi sa alas-6 ng gabi sa Pebrero 20.

Show comments