MANILA, Philippines — Tila nami-miss na ni Gilas Pilipinas naturalized player Andray Blatche ang basketball fans sa Pilipinas.
Ito ay matapos isiwalat ng dating NBA star ang kagustuhan nitong lumaro sa Philippine Basketball Association (PBA) Season 46 Governors’ Cup.
Hangad ni Blatche na makabalik sa Pilipinas para sumalang sa import-laden conference ng PBA.
Naglabas ang official Twitter account ng PBA ng highlights sa Talk ’N Text Tropang Giga at Rain or Shine Elasto Painters noong Linggo sa Twitter.
At doon sumagot si Blatche.
“I wanna come play,” ani Blatche.
Ngunit daraan sa butas ng karayom si Blatche bago matupad ang pangarap ni Blatche dahil may ipinatutupad na patakaran ang liga.
Hindi pinapayagan ng liga ang mga ito na maglaro bilang local player ang mga naturalized player kung saan maaari lamang itong maisama sa kategoryang import.
Kung maglalaro naman si Blatche bilang import, hindi pa rin ito pasok sa qualification dahil sa height ceiling ng PBA.
Tanging ang mga may taas na 6-foot-6 o mas mababa lamang ang maaaring kuning reinforcement ng isang PBA team.
May 6-foot-11 na height si Blatche kaya’t hindi ito kwalipkado maliban na lamang kung papalitan ng PBA ang standards nito.
Isang fan ang nagkomento na sana’y makapaglaro si Blatche bilang local player dahil mayroon itong Philippine passport.
Malaki rin ang naitulong ni Blatche sa kampanya ng Gilas Pilipinas sa mga international tournaments partikular na ang FIBA World Cup noong 2019.