Orcollo No. 1 pa rin sa Money Maker list
MANILA, Philippines — Ilang araw bago matapos ang taong 2021, nasa unahan pa rin ng listahan si dating world champion Dennis Orcollo sa World Money Maker list ng Az Billiards.
Nangunguna si Orcollo tangan ang tumataginting na $166,645 na nalikom nito sa mahigit 30 events na nilahukan ng Pinoy cue master sa taong ito.
Humakot ng 16 korona si Orcollo kung saan pinakamalaki ang nakuha nito sa one-on-one duel nila ni Jayson Shaw ng Amerika nito lamang Nobyembre sa Oklahoma.
Nagkamit si Orcollo ng $40,000 sa naturang laban.
Winalis din ni Orcollo ang tatlong korona sa Iron City Open — ang One Pocket na may $10,100 premyo, 9-Bal Open na may $5,000 at 10-Ball Open na may $3,200.
Nagkampeon din si Orcollo sa 48th Annual Texas Open One Pocket ($15,500), 2021 Midwest Open ($8,000), Michael Montgomery Memorial One Pocket ($7,380), Michael Montgomery Memorial 10-Ball ($7,040), Triple Crown 9-Ball ($4,500), Triple Crown 9-Ball Banks ($4,500) at iba pang mga torneo.
Pasok din sa Top 10 ang dalawa pang Pinoy cue masters na sina dating World 9-Ball champion Carlo Biado at Roberto Gomez.
Nasa ikaanim na puwesto si Biado matapos umani ng $78,754 premyo kabilang ang kanyang pamamayagpag sa prestihiyosong 2021 US Open 9-Ball kung saan nagkamit ito ng $50,000 cash prize. Ikawalo naman si Gomez na may nakuhang $69,100 kung saan pinakamalaking premyo na nakuha nito ay mula sa paghahari sa 2021 Diamond Open 10-Ball na nagbigay sa kanya ng $15,000.
Ang iba pang Pinoy na nasa listahan ay sina No. 17 Warren Kiamco ($44,040), No. 24 Jeffrey De Luna ($31,670), No. 25 James Aranas ($30,975), No. 31 Alex Pagulayan ($27,353), No. 33 Roland Garcia ($26,136) at No. 45 Johann Chua ($18,750).
- Latest