Pinoy Boxers sa Sky Pay-Per-View

MANILA, Philippines — Papagitna ang mga bigating Pinoy boxers sa dalawang boxing event na itatampok ng SKY sa kanilang Pay-Per-View Filipino Boxing Bundle.

Mapapanood sina world champion John Riel Casimero, Jayson Mama at Donnie “Ahas” Nietes katapat ang mga palaban nilang karibal sa “Probellum: Revolution” sa Dubai.

Ipagtatanggol ng three-division champion na si Casimero (31-4) ang hawak niyang WBO bantamweight belt laban kay Englishman Paul Butler (33-2), habang asam ng undefeated na si Mama (16-0) ang IBF flyweight title ni Sunny Edwards (16-0) ng Uni­ted Kingdom.

Sasalang din sa nasabing fight card ang longest-reigning Pinoy boxing champion na si Nietes (43-1) kontra kay Norbelto Jimenez (30-9) ng Dominican Republic sa eliminator ng WBA super flyweight title.

Mapapanood nang LIVE ang mga laban ng “Probellum: Revolution” simula sa alas-12 ng tanghali at ang mga replays ay sa alas-3 ng hapon at alas-7 ng gabi.

Sa Dec. 22 naman idedepensa ni Pinoy fighter Victorio “Vicious” Saludar (21-4) ang kanyang WBA minimumweight crown kay Erick Rosa “Mini Pacman” Pacheco (4-0) ng Dominican Republic.

Ang “Saludar vs. Rosa” ay mapapanood nang Live sa alas-9 ng umaga mula sa Dominican Republic.

Show comments