Nakabawi si Bobby Ray Parks, Jr. at ang Nagoya Diamond Dolphins, habang mu-ling natalo sina Kiefer Ravena at ang Shiga Lakestars sa kani-kanilang rematch sa Japan B. League kahapon.
Tumipa si Parks ng 12 points, 5 rebounds at 2 assists sa loob ng 16 minuto para tulungan ang Dolphins (6-5) sa 100-90 pagresbak sa Gunma Crane Thunders (4-7) sa Ota City Sports Park Citizen Gymnasium.
Noong Sabado ay yumukod si Parks at ang Nagoya sa Gunma, 92-101.
Bagama’t kumamada naman si Kiefer ng 27 markers ay natikman pa rin ng Lakestars (6-5) ang 83-89 pagkatalo sa Chiba Jets (8-2) sa Funabashi Arena.
Nauna nang nakalasap si Kiefer at ang Shiga ng 88-99 kabiguan sa Chiba.
Minalas rin ang kanyang utol na si Thirdy Ravena nang makalasap ang San-en NeoPhoenix (3-8) ng 80-91 pagkatalo sa Shibuya Sunrockers (8-3).
Tumapos si Thirdy na may 13 points sa loob ng 17 minutong paglalaro para sa NeoPhoenix na nakatikim rin ng 64-70 kamalasan sa Sunrockers kamakalawa.
Sa Division 2 ng B.League, nabalewala ang 13 points, 4 rebounds at 4 assists ni Pinoy import Juan Gomez de Liano nang yumukod ang Earthfriends Tokyo Z laban sa Fukushima Firebonds, 73-77, sa Tamura City General Gym.
Naisuko ng Tokyo Z (0-10) ang 11-point lead sa Fukushima.
Hindi naman nakaiskor si Kemark Carino sa 76-100 pagkatalo ng Aomori Wat’ sa Koshigaya Alphas.