Hipolito bumuhat ng tanso sa Jeddah tourney

MANILA, Philippines — Bumuhat ng bronze medal si Jeaneth Hipolito para simulan ang kampanya ng Pilipinas sa International Weightlifting Federation (IWF) Youth World Championships sa Jeddah, Saudi Arabia.

Pumuwesto ang 14-anyos na si Hipolito sa third place sa itinalang 51 kilograms sa snatch event ng women’s 40-kilogram division.

Naglista ang tubong Zamboanga City ng 62kgs. sa clean and jerk at may total lift na 114kgs. para sa fifth place at nabigong makasingit ng medalya sa nasabing dalawang events.

Sasabak din sa kani-kanilang weight classes sina Adrian Cristobal (men’s 61kg B), Albert Ian Delos Santos (men’s 61kg B), Rosejean Ramos (women’s 45kg A), Christian Rodriguez (men’s 67kg B) at Lovely Inan (women’s 49kg A).

Si Ezgi Kilic ng Turkey ang umangkin sa mga gold medals sa weight division ni Hipolito sa kanyang 55kgs. sa snatch at 70kgs. sa clean and jerk para sa total lift na 125kgs.

Ang silver medal ay kinopo ni Mexican Colli Canto na nagposte ng 67kgs. sa clean and jerk at pinitas ang bronze medal sa total lift na 118kgs.

Show comments