MANILA, Philippines — Ngayong retirado na si eight-division world champion Manny Pacquiao, usap-usapan na kung sino ang susunod sa yapak nito na magbibitbit ng bandila ng Pilipinas sa mundo ng world boxing.
Malalim ang lineup ng Pilipinas sa boxing dahil nakalinya ang ilang world champion patikular na sina World Boxing Council (WBC) bantamweight champion Nonito “The FIlipino Flash” Donaire at World Boxing Organization (WBO) bantamweight king John Riel Casimero.
Nariyan pa si Jerwin Ancajas na kasalukuyang nagmamay-ari ng International Boxing Federation (IBF) junior bantamweight belt.
Hawak naman ni Rene Mark Cuarto ang IBF world minimumweight title.
Maliban sa mga world champions, ilang mga boksingero pa ang hinahasa kabilang na si Tokyo Olympics bronze medalist Eumir Felix Marcial.
Nariyan pa sina Reymart Gaballo, Jonas Sultan, Jeo Santisima, Mark Magsayo, Jade Bornea at Marlon Tapales na nagsasanay ngayon sa pamosong Wild Card Gym sa Hollywood, California.
Nasa Wild Card Gym din ang panganay na anak ni Pacquiao na si Jimuel na desididong sundan ang yapak ng kanyang ama.
Ilan lamang ito sa mga Pinoy boxers na posibleng sumunod sa yapak ni Pacquiao.
Umaasa si Pacquiao na marami ang matutulungan ng MP Promotions para makahubog ng mga Pinoy boxers.
Nangako ito na gagawin ang lahat para suportahan ang mga Pilipinong boksingero na nagnanais gamitin ang boxing para umahon sa kahirapan.