Pinoy powerlifters wagi ng 9 medalya sa Sweden
MANILA, Philippines — Humakot ang national powerlifting team ng apat na ginto, isang pilak at apat na tansong medalya sa 2021 World Classic Powerlifting Championships na ginanap sa Halmstad, Sweden.
Pinakamaningning si Veronica Ompod na bumuhat ng apat na ginto sa women’s junior 43kg division.
Nagtala si Ompod ng 95.0 kgs. sa squat para sa kanyang unang ginto, kasunod ang pamamayagpag sa bench press kung saan nagrehistro ito ng 42.5 kgs.
Nakuha ni Ompod ang ikatlong ginto sa deadlift bunsod ng nailista nitong 117.5 kgs para sa kabuuang 255 kgs para makumpleto ang four-gold sweep sa kanyang dibisyon.
Nag-ambag naman si Lorenzo Agustin ng pilak na medalya sa men’s sub-junior 74kg division.
Umiskor si Agustin ng 147.5 kgs para masiguro ang pilak sa bench press habang nakamit ni Kalogjera Teo ng Croatia ang ginto matapos magsumite ng bagong world record na 170 kgs.
Napasakamay ni Kujala Elmeri ng Finland ang tanso tangan ang 135 kgs. na nakuha nito.
Sa kabilang banda, umani ng apat na tanso si Jane Erasmo sa women’s sub-junior 47 kg. division.
Nakakuha si Erasmo ng 85 kgs. sa squat, 132.5 kgs. sa deadlift at 60 kgs. sa bench press para sa kabuuang 268.5 kgs.
- Latest