MANILA, Philippines — Nagtala ng magkaibang panalo sina world champions Dennis Orcollo at Carlo Biado upang umusad sa semifinals ng 2021 US Open 9-Ball Pool Championship kahapon sa Harrah’s Resort sa Atlantic City.
Natumbok ni Orcollo ang 11-7 pananaig laban kay Max Lechner ng Austria habang kinailangan ni Biado na pagpawisan ng husto bago makuha ang gitgitang 11-10 panalo sa kababayang si Johann Chua sa kani-kanyang quarterfinal matches.
Umusad sa quarterfinals si Orcollo makaraang talunin nito si Mario He ng Austria (11-6) sa Last 16 samantalang namayani naman si Biado kontra kay David Alcaide ng Spain (11-10) sa hiwalay na Last 16 match.
Puntirya nina Orcollo at Biado na maisaayos ang all-Filipino finale kung saan lalarga si Orcollo laban kay Alysius Yapp ng Singapore habang aariba si Biado kontra kay Naoyuki Oi ng Japan sa semifinals.
Si Yapp ang nagpatalsik kay Pinoy cue master Rodrigo Geronimo sa quarterfinals (11-6) samantalang nanaig naman si Oi kay Fedor GOrst ng Russia (11-9).
Hangad nina Orcollo at Biado na makuha ang ikalawang US Open 9-Ball crown ng Pilipinas.
Sa kasaysayan ng US Open 9-Ball, tanging si legendary cue master Efren “Bata” Reyes pa lang ang Pilipinong nagkampeon sa naturang torneo na nakuha nito noong 1994 edisyon.
Dalawang beses nang naging runner-up si Orcollo sa US Open 9-Ball noong 2012 at 2014.