MANILA, Philippines — Darayo rin ang Talk ’N Text Tropang Giga sa Laoag, Ilocos Norte upang doon magsanay para paghandaan ang PBA Season 46 Philippine Cup.
Ayon kay Tropang Giga head coach Chot Reyes, sisimulan ang training camp ngayong araw na target tapusin sa Mayo 31.
Sa oras na makumpleto na ang lahat ng requirements kabilang na ang swab test, agad nang makapagsisimula ng ensayo ang Tropang Giga.
Makakasama ng Tropang Giga sa Ilocos Norte ang Meralco Bolts na nauna nang nakapagsimula ng training camp noong Linggo sa Laoag Centennial Arena.
Sa kabilang banda, pinili ng NLEX Road Warriors na magsanay sa Clark, Pampanga habang halos ang lahat ng natitirang teams ay magsasanay sa Batangas.
Gagamitin sa Batangas ang tatlong venues — ang Batangas City Coliseum, Lyceum of the Philippines University-Batangas at ang Batangas State University.
Hinihintay pa ng PBA ang clearance mula sa Inter-Agency Task Force (IATF) kung pahihintulutan nito na makapagsanay ang mga teams sa areas na nasa loob ng NCR plus bubble.
Kaya naman kaliwa’t kanan na ang mga teams sa paghingi ng clearance sa PBA at local government units para makapag-ensayo sa gyms na nasa NCR plus bubble.
Dahil dito, walang magawa ang mga PBA teams kundi ang ituloy ang ensayo sa labas ng NCR plus bubble habang naghihintay ng go signal mula sa IATF.