Obiena nakuntento sa bronze
Sa Copernicus Cup
MANILA, Philippines — Sa pinakahuling World Athletics Indoor Tour gold event ay tansong medalya ang nilundag ni Olympic Games-bound Ernest John Obiena.
Nagposte ang 25-anyos na si Obiena ng 5.80 metro sa 2021 Copernicus Cup sa Torun, Poland para sa kanyang ikaapat na podium finish ngayong taon.
“Tough game, but thankful for the 5.80m jump on countback,” wika ng 25-anyos na si Obiena sa kanyang social media account.
Pumangatlo ang 6-foot-2 national pole vaulter kina two-time world champion Sam Kendricks ng United States at hometown bet Piotr Lisek na nagbulsa sa gold at silver medal, ayon sa pagkakasunod, sa parehong marka.
Nailista ni Kendricks ang 5.80m sa kanyang first attempt kumpara sa tatlong attempts nina Lisek at Obiena na nagresulta sa kanilang countback.
Hindi nalundag nina Obiena, Kendricks at Lisek ang mas mataas na 5.87m.
Pinaghahandaan ng 2019 Southeast Asian Games gold medalist ang 2021 Olympics na nakatakda sa Hulyo 23 hanggang Agosto 8 sa Tokyo, Japan.
“Last leg of the World Indoor Tour has come to an end with the conclusion of @copernicuscup_pl here in Torun,” ani Obiena.
Sinikwat ni Obiena ang dalawang gold sa Internationales Stadionfest Indoors sa Berlin mula sa kanyang 5.80m noong Pebrero 5 at sa PSD Bank Indoor Meeting sa itinalang 5.65m sa Dortmund noong Pebrero 7 sa Germany.
- Latest