PLDT, Cignal hahataw sa PVL

MANILA, Philippines — Dalawang matitikas na koponan mula sa Philippine Superliga (PSL) ang nagdesisyong magtawid-bakod sa Premier Volleyball League (PVL).

Ito ay ang Cignal at PLDT Home Fibr na masisilayan sa aksyon sa oras na muling umarangkada ang kauna-unahang professional volleyball league sa bansa.

Puntirya ng PVL na simulan ang liga sa Abril sa isang bubble setup.

Kaya naman mula sa walong teams, may 10 koponan na ang magbabakbakan sa season ope­ning conference na Open Conference.

Mismong si PVL president Ricky Palou na ang nagkumpirma ng pagpasok ng HD Spikers at Power Hitters ngunit inaasahang ipopormalisa na ng dalawang koponan ang announcement sa susunod na linggo.

“They (Cignal at PLDT) have confirmed that they are entering the PVL,” ani Palou.

Makakalaban ng Cignal at PLDT ang reigning Open Conference champion Creamline, Choco Mucho, Petro Gazz, Bali Pure, Chef’s Classic, Perlas at ang bagong tayong volleyball team.

Naipormalisa na rin ang pakikipagkasundo ng PVL sa Cignal upang maging official broadcast partner nito sa loob ng tatlong taon.

Mainit na tinanggap ng Cignal ang PVL bilang bagong kapamilya nito.

“Our support for the PVL goes far beyond broadcast. With the help of the MVP Group, we hope to help grow the league’s fanbase through our group’s various platforms and resources,” ani Cignal TV/TV5 President/CEO Robert Galang.

Ipalalabas ang mga laro ng PVL sa One Sports+ sa Cignal TV gayundin sa iba’t ibang mga online streaming nito upang lubos na maging malawak ang makapanood ng bakbakan sa liga.

Show comments