MANILA, Philippines — Dahil sa coronavirus disease (COVID-19) pandemic ay imposible nang maisagawa ng Philippine Basketball Association (PBA) ang Draft Combine para sa Season 46 Rookie Draft.
Sinabi ni PBA Commissioner Willie Marcial na hihingi na lamang sila ng video ng mga draft applicants na maaaring makuha ng mga coaches ng 12 koponan.
“Kailangan naka-test muna sila katulad ng ginawa natin sa bubble,” wika ni Marcial sa mga draftees. “Four to five days na self isolation, tapos pagdating sa combine magpapa-test ulit sila. Baka mahirapan tayo sa combine.”
“Siguro hihingi na lang kami ng videos nila. Bibigyan namin sila ng measurement kung paano ang pagsukat. Sigurado naman ‘yung ibang mga coaches kabisado na nila,” dagdag pa nito.
Tradisyunal nang nagdaraos ang PBA ng dalawang araw na Draft Combine bago ang Rookie Draft para makita ng mga coaches ang laro ng mga draftees.
Ito ay ginagawa sa Gatorade Hoops Center sa Mandaluyong City.
Itinakda ng liga ang deadline sa Enero 27 para sa pagsusumite ng aplikasyon ng mga rookie aspirants para sa Rookie Draft sa Marso 14 na gagawin via virtual kagaya ng ginawa ng National Basketball Association (NBA).
Nauna nang itinakda ang Draft Combine sa Marso 10 at 11.