TNT tatabla sa Game 4
MANILA, Philippines — Sa kabila ng panalo ng Tropang Giga laban sa Gin Kings sa Game Three noong Biyernes ay wala pa ring dapat ipagdiwang, ayon kay head coach Bong Ravena.
“Wala namang nangyari. We just won a game. Sila, dalawa pa rin. Nothing to celebrate,” ani Ravena sa 88-67 paglamog ng TNT sa Barangay Ginebra para idikit sa 1-2 ang kanilang best-of-seven championship series. “We just hope on Sunday, we just play harder and better.”
Nagawa ito ng koponan ni Ravena na wala si Ray Ray Parks Jr., nagkaroon ng sprained left calf injury sa Game One.
Hangad makatabla sa serye, sasagupain ng Tropang Giga ang Gin Kings ngayong alas-6 ng gabi sa Game Four ng 2020 PBA Philippine Cup Finals sa Angeles University Foundation Gym sa Angeles, Pampanga.
Nauna nang tinalo ng Ginebra ang TNT sa Game One, 100-94, sa overtime at sa Game Two, 92-90, kung saan sila bumangon mula sa 15-point deficit sa third period.
“They just had a whole lot more energy than we did,” sabi ni two-time PBA Grand Slam champion coach Tim Cone. “I just felt that after the first quarter, we played really tired.”
Matapos humataw ng 34 points sa Game Two ay nalimitahan si Gin Kings playmaker Stanley Pringle sa 11 markers sa Game Three dahil sa depensa ni Simon Enciso ng Tropang Giga.
Bagama’t nadiskaril ang paglapit sa inaasam na ika-13 kampeonato ay kumpiyansa pa rin si Cone sa kanilang tsansang makamit ang All-Filipino tournament crown na huling naisuot ng Ginebra noong 2007.
“We’re still in control of this series. They broke whatever little momentum we had and we’ll see if we could get it back,” ani Cone.
- Latest