MANILA, Philippines — Nagdesisyon ang pamunuan ng Philippine Superliga (PSL) na kanselahin na lamang ang PSL Invitational Beach Volleyball Challenge Cup na nakatakda sana sa Nobyembre 28 hanggang 30 sa Subic Bay Metropolitan Authority sa Subic, Zambales.
Naglabas ng statement si PSL chairman Philip Juico kung saan inihayag nito na ang bagyong Rolly ang dahilan para ipagpaliban na muna ang Challenge Cup.
Nais ni Juico na maisentro na lamang ang atensiyon ng mga frontliners na tututok sa Challenge Cup sa pagtulong sa mga kababayang nasalanta ng bagyo.
Hangad din ni Juico ang kaligtasan ng lahat partikular na ang mga players, coaches at officials kaya’t minabuti na ng liga na huwag na itong ituloy muna.
“The safety of all athletes exposed to outdoor conditions and other participants and the effectivity of frontliners assigned to monitor both the Challenge Cup and to render essential public services during a calamity,” ani Juico.
Ililipat na lamang ang petsa ng Challenge Cup sa Pebrero.
“The PSL has decided to reschedule the PSL Invitational Beach Volleyball Challenge Cup from November to mid-February 2021,” ayon pa kay Juico.
Nakakuha na ng go signal ang PSL beach volley tournament mula sa Inter Agency Task Force (IATF) kung saan idaraos ito sa isang bubble setup sa Subic, Zambales.
May siyam na koponan na sana ang kumpirmadong sasabak kabilang na ang guest teams na PetroGazz at Motolite na mula sa Premier Volleyball League.
“The PSL expresses its deepest regrets to the thousands of PSL fans and stakeholders for the rescheduling of the Invitational Challenge Cup,” dagdag ni Juico.