MANILA, Philippines — Tatlong koponan ng Philippine Football League (PFL) ang nakatakdang bumalik sa kanilang training at conditioning ngayong araw sa Philippine Football Federation (PFF) National Training Center sa Carmona, Cavite.
Ito, ayon kay PFL Commissioner Coco Torre, ay ang City United, Kaya at Stallion.
Nauna nang pinayagan ng Inter-Agency Task Force (IATF) ang PFL, Philippine Basketball Association (PBA) at national 3x3 men’s basketball team na magbalik sa kanilang training at conditioning sa gitna ng coronavirus disease (COVID-19) pandemic.
Ito ay sa mga lugar na nasa ilalim ng General Community Quarantine (GCQ).
“It’s not only one pitch we’re looking at kasi ayon sa IATF (Inter-Agency Task Force) iyong training under the GCQ (General Community Quarantine) will be five lang in a training venue. Sa football naman it’s not only five ang players. It’s 11, so we need a bigger training facility,” wika ni Torre.
Nanatili ang mga PFL teams sa PFF National Training Center sa Carmona, Cavite na siya na rin nilang gagamiting venue para sa torneo.
Sumailalim na rin ang mga PFL squad sa swab tests noong Hunyo.
“Itong ginagawa namin amidst the pandemic to resume training, and pinaka-importante talaga rito is sundin ‘yung instructions because each and everbody ‘yung cooperation nila is vital to what we’re trying to achieve,” dagdag ni Torre.