MANILA, Philippines — Tuloy ang pagbibigay ng kaalaman ni three-time UAAP MVP Alyssa Valdez para sa mga nagnanais sundan ang kanyang matagumpay na volleyball career.
Sa pamamagitan ng online streaming, ibinahagi ni Valdez ang kanyang mga karaniwang ginagawa upang mas lalong maging maganda ang kanyang performance sa bawat laro.
Kabilang sa mga itinuro ni Valdez ang tamang warm up at ehersisyo para masiguro na nasa tamang kundisyon ang kanyang katawan bago sumalang sa laban.
“We’ll do some volleyball exercises to strengthen out back and legs very useful siya sa volleyball and other sports as well so minix ko yung mga favorite exercises ko rin at siyempre yung mga importante,” ani Valdez sa Team Play Live ng Milo.
Nakasama ni Valdez sa online streaming sina coach Jim Saret at Southeast Asian Games karatedo gold medalist Jamie Lim na nagbahagi rin ng kani-kanyang kaalaman.
Ipinaliwanag din ni Valdez ang kahalagahan ng teamwork lalo na sa isang team sport gaya ng volleyball.
Numero uno itong armas para makuha ang inaasam na tagumpay.
“Sa volleyball very important yung sinasabing teamwork. Walang nananalo dahil sa iisang player, it’s always as a team. You trust, you believe and you support each other,” wika pa ni Valdez.