Bagunas negatibo sa COVID-19
MANILA, Philippines — Makakauwi na sa kanilang tahanan si men’s national volleyball team member Bryan Bagunas matapos lumabas na negatibo ang kanyang coronavirus diseases (COVID-19) swab test.
Nagpasalamat si Bagunas sa mga tumulong sa kanya upang mabilis na malaman ang resulta ng ginawang swab test.
“Thank you so much Ms. Dyan Castillejo,” ani Bagunas.
Si Castillejo ang tumulong upang mas mapabilis ang proseso kung saan nakipag-ugnayan ito sa Philippine Sports Commission at Department of Tourism.
“Negative result received and happy to be able to leave hotel after seven days and go home,” ani Castillejo sa kanyang post sa social media
Dumating sa Pilipinas si Bagunas noong Mayo 15 galing Japan.
Sumailalim ito sa protocol kung saan nanatili ito sa isang hotel sa Alabang habang hinihintay ang resulta ng kanyang swab test.
Ngunit naglabas ng saloobin ang wing spiker noong Miyerkules dahil inabot na ito ng pitong araw sa hotel habang naghihintay ng resulta.
“Yung sabi na 3-4 days na yung result ng swab test at pwede na kami makauwe. Kaso mag-7 days na wala pa rin update,” ani Bagunas sa kanyang social media account.
Umabot pa sa P3,000 per night ang ginastos nito para sa kanyang pitong araw na pananatili sa hotel.
Gayunpaman, masaya na si Bagunas dahil makakauwi na ito at makakasama ang kanyang pamilya.
Nagpasyang bumalik ng Pilipinas ang Season 81 UAAP MVP na si Bagunas matapos makansela ang laro ng kanyang koponang Oita Miyoshi Weisse Adler sa Emperor’s Cup Volleyball Championship sa Japan dahil sa COVID-19.
- Latest