MANILA, Philippines — Kinansela ng Major League Baseball ang 2021 World Baseball Classic (WBC) Qualifiers dahilan para pansamantalang maudlot ang debut ni NFL superstar Tim Tebow suot ang jersey ng Pilipinas.
Sisimulan sana ang mga laro sa world qualifying tournament ngayong araw (Biyernes sa Amerika) sa Kino Veterans Memorial Stadium sa Tucson, Arizona.
Subalit nagpasya ang organizers na ipagpaliban muna ito dahil sa coronavirus outbreak upang matiyak ang kaligtasan ng mga kalahok.
Napasama ang New York Mets minor league outfielder na si Tebow sa lineup ng national team dahil sa Makati ito ipinanganak.
Bagama’t parehong Amerikano ang kanyang mga magulang, itinutu-ring itong kwalipikadong maglaro dahil sa legalidad ng kanyang place of birth.
Kasama ni Tebow sa lineup sina Dino Altomonte, Javi at Paulo Macasaet, Diego Lozano, Mario Songco, Yuki Takayama, Jerome Yenson, Vladi Eguia, Kiko Gesmundo, JR Bunda, Carlos Munoz at Devon Ramirez.
Pasok din sina Dominic Abdessa, Miguel Salud, Romeo Jasmin, Aids Bernardo, Menelik Israel, Erwin Bosito, Junmar Diarao, Pablo Capati, Alfredo De Guzman, Brady and Riley Conlan, Johnil Carreon at Chase D’Arnaud.
Sasabak sana ang Pilipinas sa World Baseball Classic (WBC) Qualifier 2 kung saan makakasama ng Pinoy squad sa grupo ang Czech Republic (No. 16), Spain (No. 6), New Zealand (No. 48), Panama (No. 13) at Great Britain (No. 31).
Tanging ang magkakampeon at runner-up lamang ang papasok sa World Baseball Classic na lalaruin sa susunod na taon.
Una nang inihayag ni Tebow na sabik na itong katawanin ang Pilipinas sa world qualifying.
Malaking tulong si Tebow sa national team dahil sa malalim nitong karanasan.
Tinulungan nito ang University of Florida para masungkit ang dalawang US national collegiate titles bago tuluyang kunin ng Denver Broncos noong 2010 NFL Draft.