Tebow lalaro para sa Pilipinas sa World Baseball Clasic

Tim Tebow
Twitter/Mets

MANILA, Philippines — Magniningning ang Philippine national baseball team dahil kasama sa lineup nito ang dating NFL superstar na si Tim Tebow para sa 2020 World Baseball Classic qualifying tournament.

Mismong si Tebow na ang nag-anunsiyo sa kanyang Twitter account na sabik na itong maging bahagi ng Pinoy squad na sasalang sa qualifiers na gaganapin sa Marso 20 hanggang 25 sa Kino Veterans Memorial Stadium sa Tucson, United States.

“Grateful and excited to play for team Philippines in the @WBCbaseball ... the country I was born in and somewhere that is near and dear to my heart!,” wika ni Tebow sa kanyang Twitter account.

Malaking tulong si Tebow sa national team dahil sa malalim nitong karanasan.

Tinulungan nito ang University of Florida para masungkit ang dalawang US national collegiate titles bago tuluyang kunin ng Denver Broncos noong 2010 NFL Draft.

Ipinanganak sa Makati ang 32-anyos na si Tebow ngunit parehong Amerikano ang kanyang mga magulang na Baptist missionaries.

Makakasagupa ng Pinoy squad ang Britain, New Zealand, Spain, Panama at Czech Republic.

Unang makakaharap ng Pilipinas ang Czech Republic sa Marso 20.

Ang mananalo sa Phi­lippines-Czech Republic game ang aabante kontra sa Panama sa semifinals.

Ipatutupad ang double-elimination format sa natu­rang qualifiers.

Ang dalawang ma­ngungunang koponan ang mabibiyayaan ng tiket sa prestihiyosong 2021 World Classic.

Show comments