MANILA, Philippines — Inirekumenda kahapon ng Philippine Sports Commission (PSC) sa Philippine Paralympic Committee (PPC) ang pagpapaliban sa pagdaraos ng 2020 ASEAN Para Games dahil sa banta ng novel coronavirus-ARD sa bansa.
Nakatakda sanang ganapin ang 10th edisyon ng nasabing ASEAN Para Games ngayong Marso 20 hanggang 28 sa New Clark City Sports Complex sa Capas, Tarlac.
Ngunit sinabi ni PSC chairman William “Butch” Ramirez kay PPC president Michael Barredo na pinayuhan siya ng Malacañang na iwasan ang mga events na nagtitipon ng mahigit 40 katao dahil sa banta ng nCoV-ARD kung saan kumpirmado ang mahigit tatlong kaso na ang naitala rito sa Pilipinas.
“I was in conversation with my superiors yesterday to avoid holding events that gathered large crowd. So, I advice PPC headed by Michael (Barredo) to postpone the Para Games because of nCoV-ARD,” sabi ni Ramirez sa press conference kahapon sa Rizal Memorial Coliseum.
Hindi pa tiyak kung kailan ipagpapatuloy ang 11-nation kumpetisyon para sa mga atletang may physical disabilities, ngunit ayon pa kay Ramirez ito ay mangyayari lamang kung maayos na ang sitwasyon laban sa nCoV-ARD dito sa bansa.
Nakatakdang lumipad patungong Kuala Lumpur, Malaysia ngayong araw si Barredo upang ipaalam sa ASEAN Paralympic-Sports Federation (APSF) ang kahilingan ng gobyerno sa Pilipinas.
“The bottom line is what is bests for our athletes. This is a health issue. I will ask the APSF to consider the advice of our government and consider what is best for everyone,” ayon kay Barredo.
Ang pondong gagastusin sa 20-sports disciplines meet ay manggagaling na sa PSC alinsunod sa memorandum na pinirmahan kasama si Philippine SEA Games Organizing Committee (Phisgoc) chairman Alan Peter Cayetano.
Ito na ang ikalawang pagpapaliban sa Para Games na orihinal na itinakda noong Enero 20, pero inilipat sa Marso 20 dahil sa logistical na problema.