MANILA, Philippines — Inaasahan ni Chef de Mission Mariano Araneta ang mahigit 38 atletang Pinoy na makapasok sa 2020 Olympic Games ngayong Hulyo 24 hanggang sa Agosto 9 sa Tokyo, Japan.
Kung maabot ang numero na inaasahan ni Araneta, ito na marahil ang ikalawang pinakamalaking delegasyon ng Pilipinas sa quadrennial Olympiad matapos ang 47 atleta noong 1964 na ginanap sa Tokyo, Japan din kung saan nakamit ng bansa ang unang silver medal mula kay Anthony Villanueva sa featherweight division ng boxing.
“This is just the second largest delegation after the 47-man contingent in 1964 Olympic Games, which was held coincidentally in also Tokyo, Japan,” sabi ni Philippine Football Federation president Araneta kahapon sa kanilang unang pagtitipon para ipakita ng 15 National Sports Associations (NSAs) ang kanilang programa at plano para sa mga atletang sasali sa iba’t ibang Olympic qualifying tournaments.
Isinagawa ang chief of mission meeting sa Olympic secretariat sa RMSC complex.
Sinabi ni Araneta na sa ngayon mahigit 49 Filipino athletes mula sa 15 sports disciplines ang nakatakdang lumahok sa Olympic qualifying tournaments para makapasok sa ika-32nd edisyon ng Olympiad.
Dumalo rin si Pagcor corporate communication assistant Maiza Manolet Valdez sa nasabing presentation of programs and expectations ng mga NSA heads na dinaluhan din ni POC secretary-general Edwin Gastanes na kumatawan kay Philippine Olympic Committee president Abraham “Bambol” Tolentino na kasama sa isi-nagawang special session ng Kongreso sa Batangas.
Alinsunod sa pangako ni Pangulong Rodrigo R. Duterte noong nakaraang buwan, naglaan ang Philippine Amusements and Gaming Corporation (Pagcor) ng mahigit P100 milyon para pondohan ang preparasyon ng mga atletang Filipino na naghahangad ng Olympic slots.
Sa ngayon, sina gymnast Carlos Yulo at pole vaulter EJ Obiena pa lamang ang nakakuha na ng slots sa 2020 Tokyo Olympics.