MANILA, Philippines — Hindi pa mawawala si Mark Caguioa sa Barangay Ginebra sa darating na 45th Season ng Philippine Basketball Association.
Sa idinaos na victory party ng mga Gin Kings kamakalawa ng gabi ay inihayag ng veteran guard na maglalaro pa siya para sa ‘never-say-die’ team.
Ngunit ito na ang pinakahuli niyang season bago tuluyang isabit ang kanyang Ginebra jersey.
“Siguro as long as I can,” sabi ni Caguioa, maglalaro para sa kanyang ika-20 season. “My body is not hurting, I feel like I can still go for 10 years or something like that. But I’m just saying that, but I still feel good.”
Nakamit ni Caguioa ang kanyang pang-walong PBA championship nang maghari ang Ginebra sa nakaraang 2019 PBA Governor’s Cup.
Ang 6-foot-1 na tubong San Juan City ay nag-aral sa United States sa Eagle Rock (high school) at sa Glendale Community College kung saan siya napasama sa First Team All-Western State Conference noong 1999–2000 season.
Ang No. 3 overall pick ng Gin Kings noong 2001 PBA Draft ay bahagi ng “The Fast and The Furious” katambal ang nagretiro nang si Jayjay Helterbrand.
Hinirang si Caguioa, may taguring ‘Mark The Spark”, bilang PBA Rookie of the Year noong 2001 at Most Valuable Player noong 2011-2012 season.