Ginebra puro na

Kapwa itinaas nina Meralco import Allen Durham (Best Import) at NorthPort Christian Standhardinger (Best Player of the Conference) ang kanilang tropeo.

Standhardinger sinilat si Fajardo

MANILA, Philippines — Dumiretso ang Barangay Ginebra sa ikalawang sunod na panalo para lumapit sa kanilang pagkopo sa pang-12 korona.

Humataw sa se­cond quarter at hindi na binitawan ang double-digit lead sa second half, itinumba ng Gin Kings ang Meralco Bolts, 94-72, sa Game Four ng 2019 PBA Governor’s Cup Finals kagabi sa Smart Araneta Coliseum.

“It’s just our defense. We came out with our strong defense,” sabi ni import Justin Brownlee, nagtala ng 27 points, 8 assists, 5 rebounds at 4 blocks.

Nauna nang inangkin ng Ginebra ang 92-84 pa­nalo sa Game Three para iposte ang 3-1 bentahe sa kanilang best-of-seven championship series ng Meralco.

Matapos magtabla sa first period, 14-14, ay kumamada ang Gin Kings ng 19-6 atake sa second quarter para iposte ang 33-20 bentahe at bitbitin ang 42-31 kalamangan sa halftime.

Lalo pang nabaon ang Bolts sa 61-42 matapos ang three-point shot ni guard LA Tenorio sa 6:35 minuto ng third canto.

Maski ang paglalaro ni 6-foot-8 center Raymond Almazan, may left knee lateral meniscal tear na kanyang natamo sa Game Three noong Linggo, ay hindi nakatulong para sa Meralco.

Binuksan ng Ginebra ang fourth period mula sa triple ni Stanley Pringle para sa kanilang 73-55 abante na kanilang pinalobo sa 90-63 huling 3:30 minuto nito.

Samantala, hinirang si Christian Standhardinger ng NorthPort bilang Best Player of the Conference, habang nakamit ni Allen Durham ang kanyang ikatlong Best Import trophy.

Tinalo naman ni Durham (1,170 votes) si Brownlee (937) para sa kanyang pangatlong PBA Best Import award.

Ito ang unang BPC trophy ng 28-anyos na Fil-German big man.

 

Show comments