MANILA, Philippines — Mula umpisa hanggang sa third period ay si Justin Brownlee ang bumantay kay Allen Durham.
Ang resulta ng defensive plan ng Barangay Ginebra ay ang kanilang 92-84 pagganti sa Meralco sa Game Three ng 2019 PBA Governor’s Cup Finals kagabi sa Smart Araneta Coliseum.
Mabilis na bumangon ang Gin Kings mula sa nauna nilang 102-104 kabiguan sa Bolts para kunin ang 2-1 abante sa kanilang best-of-seven championship series.
“Actually, it’s a collective team effort talaga. I give credit to my teammates kasi lahat sila nag-step up sa defense and offense,” ani Japeth Aguilar na nagtala ng 23 points, 7 blocks at 5 rebounds.
Kinuha ng Ginebra ang 19-7 abante sa 5:55 minuto ng first period kung saan nagkaroon si Meralco center Raymond Almazan ng left knee injury at hindi na nakabalik sa laro.
Naagaw ng Bolts ang 42-40 abante papunta sa halftime sa likod ng 20 points ni Chris Newsome bago nagpakawala ang Gin Kings ng 15-2 atake para ilista ang 12-point lead, 57-45, sa unang apat na minuto ng third quarter.
Lalo pang ibinaon ng Ginebra ang Meralco sa 78-55 mula sa one-hander ni 7-foot-1 Greg Slaughter sa huling 22 segundo ng ng nasabing yugto.
Nagawa naman ng Bolts, yumukod sa Gin Kings sa Game One, 87-91, noong Mates, na makalapit sa 82-87 mula sa pagbandera nina Newsome at Durham sa huling 2:04 minuto ng final canto.
Ngunit naroon sina LA Tenorio at Aguilar para muling ilayo ang Ginebra sa 92-84 sa nalalabing 31 segundo ng labanan.