MANILA, Philippines — Sa Game One ay nakita na kung anong klase ng bakbakan ang aasahan sa pagitan ng magkaribal na Barangay Ginebra at Meralco.
Itinakas ng Gin Kings ang 91-87 panalo laban sa Bolts sa series opener ng PBA Govenor’s Cup Finals noong Martes sa Smart Araneta Coliseum.
“It’s really a possession by possession game at this point and it’s not the way we necessarily want to play but they’re just so good at it that we’re forced to play at that tempo,” sabi ni Ginebra coach Tim Cone sa kanilang best-of-seven championship series ng Meralco.
Pupuntiryahin ng Gin Kings ang malaking 2-0 bentahe laban sa Bolts sa Game Two ngayong alas-7 ng gabi sa Quezon Convention Center sa Lucena City.
Inaasahan ni Meralco mentor Norman Black na hindi na magkakaroon ang Ginebra ng ‘homecourt advantage’ sa paglipat ng kanilang serye sa labas ng Big Dome.
“When we go to the province, that’s a little bit more difficult. It’s hard to bring your fans from Metro Manila. So, we’ll see,” pahayag ni Black, isang one-time PBA Grand Slam champion coach.
Sinupalpal ni 6-foot-8 flying forward Japeth Aguilar ang layup ni Bolts’ import Allen Durham sa huling 11.3 segundo ng fourth quarter kasunod ang dalawang free throws ni Justin Brownlee para selyuhan ang panalo ng Gin Kings.
Inaasahan ni Cone, ang two-time PBA Grand Slam titlist, na reresbak ang Bolts para maitabla ang serye.
“I think it’s gonna be a ping-pong affair; this is gonna go back and forth,” wika ng 62-anyos na si Cone.
Muling sasandalan ng Ginebra sina Brownlee, Aguilar, LA Tenorio, Stanley Pringle at Scottie Thompson katapat sina Durham, Chris Newsome, Baser Amer, Raymond Almazan, Allein Maliksi at rookie Bong Quinto ng Meralco.
Samantala, dinala ng San Miguel si forward Kelly Nabong sa NorthPort kapalit ni big man Russell Escoto.
Ang nasabing trade ay inaprubahan ng Office of the Commissioner.
Pinatawan ng Beermen si Nabong ng indefinite suspension matapos makarambulan sina Arwind Santos at Ronald Tubid sa kanilang ensayo noong nakaraang taon.
Sangkot sa gulo si import Dez Wells.