Ho, Gawilan torch bearers sa Tokyo Olympics
MANILA, Philippines — Napili sina Asian Para Games gold medalist swimmer Ernie Gawilan at dating Ateneo de Manila University volleyball player Gretchen Ho bilang torchbearers sa 2020 Olympic Games at Paralympic Games na parehong idaraos sa Tokyo, Japan.
Halos sabay na pinadalhan ng sulat sina Gawilan at Ho ng Tokyo Organizing Committee kung saan kinumpirma ng kumite na magiging bahagi ang dalawang Pinoy sa torch relay.
“Malaking karangalan ito sa akin at sa Philippine Paralympic Committee. I will do my best. Sipag at tiyaga lang,” ani Gawilan matapos matanggap ang kumpirmasyon.
Sa kabilang banda, nilinaw ni Ho na nagsumite ito ng aplikasyon at masuwerteng napili ng mga organizers.
“Great news to end 2019. Guess who’s going to be a torchbearer at the @Tokyo2020 Olympics??? This every athlete’s dream. I just can’t wait for the new year to begin,” ani Ho.
Naglabas din ng bagong statement si Ho magkaiba ang kanyang tungkulin bilang torchbearer at sa opisyal na flagbearer ng pambansang delegasyon sa Tokyo Olympics.
Ang flagbearer ay pinipili ng Philippine Olympic Committee habang ang mga torchbearers ay pinili ng Tokyo Organizing Committee.
Magsisimula ang torch relay sa Marso kung saan lilibot ito sa iba’t ibang bahagi ng Japan. Ang torch relay ay regular na idinadaos at bahagi ng promosyon para sa Olympic Games.
Gaganapin ang regular Olympics na 2020 Tokyo Olympic Games sa Hulyo 24 hanggang Agosto 9 habang ang 2020 Paralympic Games ay lalarga mula Agosto 25 hanggang Setyembre 6.
- Latest