MANILA, Philippines — Pasok agad sa second round si Carlo Paalam matapos makahirit ng opening-round bye sa 2019 AIBA World Boxing Championships sa Yekaterinburg, Russia.
Makakaharap ni Paalam sa susunod na yugto si Istavan Szaka ng Hungary sa Sabado sa men’s flyweight class (52 kgs.).
Sasalang din sina Southeast Asian Games champions Eumir Felix Marcial at John Marvin at sina Ian Clark Bautista at James Palicte sa kani-kanilang kategorya.
Nakatakdang sagupain ni Marcial si Bryan Angulo ng Ecuador sa first round ng men’s middleweight (75 kgs.) kagabi, habang aariba naman si Marvin kontra kay Pavilius Julevas ng Lithuania sa kanyang opening bout sa men’s light heavyweight (81 kgs.) ngayong araw.
Makakatipan naman ni Bautista si Viliam Tanko ng Slovakia sa first round ng men’s featherweight (57 kgs.) bukas sa torneong nilahukan ng mahigit 300 boxers mula sa 70 bansang miyembro ng AIBA.
Sisimulan ni Palicte ang kanyang kampanya kontra kay Jose Manuel Wafara ng Colombia sa men’s light welterweight (63 kgs.) sa Huwebes.
Target ng five-man national boxing team na malampasan ang isang tansong medalyang nakamit noong 2015 AIBA World Boxing Championships sa Doha, Qatar.
Ang torneo ay isang qualifying event para sa 2020 Olympic Games sa Tokyo, Japan at umaasa ang Association of Boxing Alliances in the Philippines (ABAP) na makahirit na kaagad ng puwesto.