De Lima unang gold medalist ng Bicol

2019 Palarong Pambansa

DAVAO CITY , Philippines  —    Noong 2018 Palarong Pambansa ay inungusan ni Lheslie De Lima ng Region V si  Camila Tubiano ng Region X para sa gintong medalya sa secondary girls’ 3,000m run.

Kahapon ay muli niya itong ginawa.

Nagsumite si De Lima ng tiyempong 10:22.42 para  itakbo ang unang gold medal sa 2019 Palarong Pambansa rito sa University of Mindanao-Matina Campus Sports Complex.

“Medyo kinabahan po ako kasi siya ulit ang nakalaban ko para sa gold medal,” sabi ng 14-anyos na si De Lima, tumakbo nang walang sapatos at nakabalot ng plaster ang mga paa.

Tinalo ni De Lima, anak ng isang magsasaka at isang Grade 8 student ng Baao National High School, sina Tubiano (10:32.32) at Lovely Cordovilla (10:38.82) ng Region III.

Hindi nabasag ni De Lima ang Palarong Pambansa record na 10:03.04 ni Mea Gey Aliaalian Ni­nura noong 2016 DAVRAA.

Si De Lima rin ang pumitas sa unang gold medal ng Palarong Pambansa noong 2018 sa Vigan, Ilocos Sur sa 3,000m run.

Samantala, dahil naman sa technicality ay hindi kinilala ang lundag na 7.55m ni Algin Gomez ng Region II sa secondary boys’ long jump.

“Dapat below 20 lang ang wind gauge para ma-recognize ang isang jump para sa record,” sabi ni Phi­lippine Amateur Track and Field Association technical official Jeanette Obiena.

Hindi nabura ni Gomez ang 2017 national juniors record na 7.43m ni Jose Jerry Belibestre ng Western Visayas na 7.43 metro na nailista sa Philippine Open sa Ilagan City, Isabela.

Sa halip ay ang 7.39m ni John Mike Lera ng Region X para sa silver medal ang bumura sa 2012 Pa­larong Pambansa record na 7.26m ni Julian Reem Fuentes ng CAVRAA.

Inangkin naman ni Bellanca Marie Valerio ng Region III ang gintong medalya sa elementary girls’ discus throw sa ibinato niyang 33.74m.

Show comments