Lady Bulldogs sinibak ang Lady Maroons

MANILA, Philippines — Winakasan na ng Na­­­tio­nal University Lady Bull­dogs ang pag-asa ng University of the Philippines Lady  Maroons sa five-sets, 25-21, 26-24, 17-25, 23-25, 17-15 kahapon para makumpleto na ang Final Four sa pagpapatuloy ng Season 81 UAAP volleyball tournament sa Mall of Asia Arena sa Pasay City.

Hindi napigilan ng Lady Maroons ang mga rookies na sina Princess Anne Robles, Ivy Keith Lacsina, Gelina Mae Luceno, Klymince Orillaneda at rookie libero Jennifer Nierva sa fifth set para itakas ang pang-apat na panalo ng NU sa 13 laro.

Sa apat na puntos ni Robles sa huling anim ng Lady Bulldogs sa fifth set tuluyan ng nahulog ang Lady Maroons sa 6-7 win-loss kartada. Kahit pa manalo ang UP kontra sa Adamson sa huli nilang laro sa Abril 27, hindi pa rin sapat para umabot sa 8 wins at mapantayan ang FEU (8-5) sa standing.

Sa pagpasok ng FEU at UST sa Final Four, t­anging ang twice-to-beat advantage sa semis na lang ang pinag-aagawan pa ng A­teneo Lady Eagles (10-2), De La Salle Lady Spikers (9-3) at UST Tigresses (9-4).

Humataw ang 17-an­yos na dating standout ng Nazareth School na si Nierva ng 27 excellent receptions at 30 excellent digs na may kasama pang tatlong puntos para sa Lady Bulldogs.

Sa iba pang laro, winalis ng Tigresses ang Lady Tamaraws, 25-23, 25-18, 25-13 para manatiling buhay ang pag-asa sa twice-to-beat bonus sa semifinal round.

Pinangunahan ni Sisi Rondina ang Tigresses sa kanyang 21 puntos kabilang na ang 17 atake, tatlong aces at isang block upang manatili sa ikatlong puwesto at makopo ang pang-siyam na panalo sa 13 laro.

Dahil sa talo, nahulog ang Lady Tamaraws sa pang-apat na puwesto sa 8-5 record.

Samantala, sa men’s division nasungkit ng nag-depensang NU Bulldogs ang unang twice-to-beat advantage sa semis matapos walisin ang UST Grow­ling Tigers, 25-20, 25-21, 25-9 habang nakasiguro na rin ng playoff para sa huling semis bonus ang FEU Tamaraws pagkaraang ilampaso muli ang UP Fighting Maroons, 25-20, 25-14, 19-25, 25-9.

Show comments