MANILA, Philippines — Pinilit ng Phoenix na mapanatili ang kanilang imakuladang kartada.
Ngunit sadyang determinado ang Rain or Shine na mantsahan ito.
Nagsalpak si big guard Mark Borboran ng krusyal na layup sa huling 12.1 segundo ng overtime para selyuhan ang 98-94 panalo ng Elasto Painters laban sa Fuel Masters at agawin ang solong liderato ng 2019 PBA Philippine Cup kahapon sa Smart Araneta Coliseum.
“Talagang iniikot namin ‘yun bola para makuha namin ‘yung sistema,” sabi ni big man Beau Belga, humakot ng 16 points, 9 rebounds at 7 assists, para sa ikatlong sunod na panalo ng Rain or Shine.
Nalasap naman ng Phoenix ang kauna-unahan nilang kabiguan matapos ang franchise-best na 5-0 start sa torneo.
Matapos kunin ang 45-36 abante sa halftime ay lalo pang lumayo ang Elasto Painters sa pagtatala ng 14-point lead, 70-56 sa huling 1:07 minuto ng third period.
Naagaw naman ng Fuel Masters ang 77-75 bentahe sa 4:16 minuto ng fourth quarter hanggang mapunta ang laro sa extra period, 87-87 sa likod nina Matthew Wright at Jason Perkins.
Sa overtime ay kinuha ng Rain or Shine ang four-point advantage, 96-92 mula sa dalawang free throws ni 6-foot-8 Raymond Almazan sa huling 53.9 segundo.
Huling nakadikit ang Phoenix sa 94-96 galing sa scoop shot ni guard Alex Mallari sa nalalabing 35.5 segundo.