Compton pumalag sa kawalan ng pre-season

MANILA, Philippines — Dahil sa pagbibigay-daan sa pagsabak ng Team Pilipinas sa sixth at final window ng 2019 FIBA World Cup Asian Qualifiers ay walang itinakdang pre-season tournament ang PBA para sa 2019 Philippine Cup.

Isa sa mga coaches na umangal ay si Alex Compton ng Alaska, nagmula sa 2-4 kabiguan sa Magnolia sa kanilang best-of-seven championship series sa nakaraang 2018 PBA Governor’s Cup.

“It’s really tough because we won’t have a preseason,” ani Compton. “The delays are caused by us supporting the national team, so that’s great. The problem with the delays for us and our current situation is that we won’t really have a preseason.”

Sinabi ni Compton na kukulangin sila sa preparasyon para sa 2019 PBA Philippine Cup na magsisimula sa Enero 13.

“But the teams that were in the semis finished playing like on November 15 or 17. So a full month later, we’re still playing and then less than a month from now, we start the season,” wika ni Compton.

Ang San Miguel ang magdedepensang muli ng kanilang korona.

Pansamantalang ititigil ang mga laro sa season-opening conference sa Pebrero para sa pagsabak ng Nationals sa sixth at final window ng Asian Qualifiers.

Lalabanan ng Team Pilipinas ni national mentor Yeng Guiao ang Qatar sa Pebrero 21 sa Doha bago isunod ang rematch sa Kazakhstan sa Pebrero 24 sa Astana.

Sa bitbit na 5-5 record ay kailangang walisin ng Nationals ang Qataris at Kazakhs at ipagdasal na matalo ang Japan (6-4) sa isa sa kanilang laro kontra sa Iran at Qatar sa Pebrero para makatiyak ng tiket sa 2019 FIBA World Cup sa China.

 

 

 

Show comments