Tamaraws sinuwag ang Eagles

MANILA, Philippines — Pinatumba ng Far Eas­tern University ang nagde­depensang Ateneo, 63-60  upang makisosyo sa ikalawang puwesto kahapon sa pagpapatuloy ng Season 81 UAAP men’s basketball tournament sa Mall of Asia Arena sa Pasay City.

Sa triples ni Hubert Cani sa huling 1:17 ang nalalabi, lumamang ang Tamaraws ng limang puntos, 61-56  at sinundan ng drive ni Richard Escoto tungo sa pagkuha sa kanilang ika-limang panalo at makisama sa Blue Eagles sa second spot sa parehong 5-2 win-loss kartada sa likuran ng nangungunang Adamson Soaring Falcons (5-1).

Hindi ininda ng Tamaraws ang pagkawala ni top scorer  Arvin Tolentino dahil sa one-game suspension at sumandal sila sa three-point area para manalo kung saan umani sila ng 10-of-23 shooting habang 5-of-31 lamang ang Ateneo.

Bukod sa kanyang 12 puntos, gumawa pa ng limang rebounds at anim na assists si Cani habang tig-siyam na puntos naman sina Jasper Parker at Anton Inigo para pataubin ang ikalawang higante sa liga matapos ang 88-85 panalo sa Adamson Falcons noong Linggo.

Samantala, aasungkit naman ng University of Santo Tomas  ang ikalawang sunod na panalo ma­tapos gapiin  ang University of the Phi­lippines, 86-72 para uma­ngat din sa sosyohan sa ika-limang puwesto.

Tumipak si CJ Cansino ng 16 puntos sa 5-of-6 shooting na may kasamang 10 rebounds at pitong assists habang si Renz Subido ay tumapos ng 13 puntos at anim na assists at 12 naman mula kay Kenneth Zamora para makisosyo sa kanilang biktimang Fighting Maroons sa parehong 3-4 win-loss kartada.

Show comments