MANILA, Philippines — Sinayang ng Far Eastern University ang itinayong 17-point lead, ngunit bumawi sa overtime period para makaeskapo ng 88-85 panalo laban sa Adamson University kahapon sa Season 81 UAAP basketball tournament sa Smart Araneta Coliseum.
Nagtulung-tulong sina Richard Escoto, Hubert Cani at Kevin Ebona sa extension upang masungkit ng FEU ang panalo at umangat sa 4-2 kartada.
Pinangunahan ni Arvin Tolentino ang Tamaraws sa kanyang 19 points, 4 rebounds at 2 assists kahit nasibak sa fourth quarter dahil sa flagrant foul, habang si Cani ay tumulong ng 14 markers, 4 rebounds at 2 assists.
Sa kabiguang mapanatili ang malinis na kartada ay bumaba ang Adamson kasosyo ang nagdedepensang Ateneo Blue Eagles sa parehong 5-1 baraha.
Nasungkit naman ng University of the Philippines Fighting Maroons ang ikatlong panalo matapos makatakas sa National University Bulldogs, 89-88.
Nag-ambag sina Juan Gomez at Javi de Liaño ng pinagsamang 39 points para iangat ang UP sa ikaapat na puwesto kasama ang La Salle sa parehong 3-3 kartada sa ilalim ng Adamson (5-1), Ateneo (5-1) at FEU (4-2).