MANILA, Philippines — Kumpiyansa ang mga Pinoy athletes na mapapanatiling suot ang doubles crown sa premier division ng 33rd King’s Cup World Sepak Takraw Championships na sisipa ngayon sa Nakhon Rachasima, Thailand.
Bukod sa hangaring maidepensa ang titulo sa men’s category, lalaban din ang Team Philippines para sa gold medals sa hoop, regu quadrant at regu team events.
“We wish the Philippine sepak takraw team the best of luck. We’re confident that they are capable of replicating the achievement,” wika ni Go For Gold top executive Jeremy Go sa send-off ng koponan sa Vikings sa Mall of Asia.
Ang tropa ay babanderahan nina Rheyjey Ortouste, Ronsited Gabayeron at Emmanuel Escote kasama sina Joshua Gleen Bullo, Alvin Pangan, John Carlo Lee at John John Bobier.
Kakampanya rin para sa grupo na suportado ng Go For Gold at Philippine Sports Commission sina John Jeffrey Morcillos, Joeart Jumawan, Nestleer Bandivas, Christian George Encabo at Regie Reznan Pabriga.
Ang women’s team ay binubuo naman nina Mary Melody Taming, Abegail Sinogbuhan, Gelyn Evora, Josefina Maat, Jean Marie Sucalit, Jea Mae Pepito, Jocielle Fernandez, Aisa Sabellita, Allyssa Bandoy at Lhaina Lheil Mangubat.
Noong 2016 edition sa Thailand ay nag-uwi ang mga Pinoy ng dalawang silver medals sa team regu at hoop at isang bronze sa regu.