Falcons pinaluhod ang Blue Eagles
MANILA, Philippines — Sinorpresa ng Adamson Soaring Falcons ang nagdedepensang Ateneo Blue Eagles, 74-70, sa Season 81 UAAP basketball tournament kahapon sa Mall of Asia Arena sa Pasay City.
Nagpakita ng matikas na laro si Jerrick Ahanmisi sa kanyang 23 puntos, apat na rebounds at isang assist para pangunahan ang kumbensidong panalo ng San Marcelino-based na Falcons.
Kahit ang rookie na si Jerom Lastimosa ay nagpakita ng husay sa ikalawang yugto at sinundan ni CJ Catapusan hanggang sa dulo para makumpleto ang malaking sorpresa ng tropa ni coach Franz Pumaren.
Sa unang laro, nagtulung-tulong sina Arvin Tolentino at Jasper Parker upang iangat ang Far Eastern University Tamaraws laban sa De La Salle Green Archers, 68-61, para sa magandang umpisa sa kanilang kampanya sa season na ito.
Pagkaraang makuha ng Green Archers ang one-point lead mula sa basket ni Santi Santillan, kumada rin ng sunud-sunod na puntos sina Tolentino at Parker sa huling apat na minutos para biguin ang tropa ng bagong DLSU coach na si Louie Gonzalez.
“Mahirap talaga makalaban ang La Salle. I like our improvement from last year and hopefully, tuluy-tuloy na,” sabi ni FEU coach Olsen Racela.
Sa tulong din ni Hubert Cani ay umabot sa anim na puntos, 62-56, ang kalamangan ng Tamaraws tungo sa kanilang unang panalo laban sa Green Archers sa loob ng tatlong taon.
Umani si Tolentino ng 13 puntos kabilang na ang go-ahead basket sa huling 3:25 minuto ng laro at sinamahan pa nito ng apat na rebounds, habang si Parker ay umiskor ng limang puntos, anim na rebounds at tatlong assists.
“Last year, tinambakan nila kami. But we are improving a lot ngayon. Iba na talaga ngayon,” ani Racela.
Tumulong din ng 11 puntos si Ken Tuffin.
- Latest